Pukawin ang Isipan


Taon-taon, malaki ang naiambag ng pagmimina sa ating ekonomiya. Tinatayang humigit kumulang 200 milyon ang naibibigay nito at isa sa pinagkukunan ng pera upang makapagpapagawa ang ating pamahalaan ng mga proyekto na makakatulong sa ating pang-araw-araw na buhay. Ngunit tila ba ay nasilaw sila malaking pera na ito at tila napapabayaan na nila ang kaligtasan ng kanilang mga nasasakupan.

 Isang trahedya ang gumulat sa lahat ng gumuho ang lupa ng isang barangay sa lungsod ng Naga, sa probinsya ng Cebu. Naging ulo ng mga balita ang trahedyang ito sapagkat hindi natural na gumuho lang basta-basta ang lupa ng bundok kung hindi may mga pagmimina na naganap sa lugar na ito na siyang naging pangunahing dahilan upang masira ang istruktura ng lupa.

Nasaksihan ko kung gaano kalaki at kalawak ang tinabunan ng lupa. Kitang kita ng dalawang mata ko kung gaano naghihinagpis ang mga tao sa pagkawala ng kanilang mga minamahal sa buhay dahil sa kakulangan ng aksyon ng lokal na pamahalaan. Tila ba mas binigbigyan nila ng importansya ang mga pagmimina sapagkat dito sila makakakuha ng malaking salapi na parehong makakatutulong sa lungsod at hindi natin alam sa kanilang pansariling gastos.

Hindi rin ginawa ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) 7 ang kanilang tungkulin. Nagpalabas sila na ang mga bitak na kanilang nakikita sa bundok ay pawing natural lamang at hindi magiging dahilan ng isang trahedya sa mga karatig lugar. Ngunit, ano na ngayon ang resulta ng kanilang maling pagbabalita? Isisi na naman nila ito lahat sa lokal na pamahalaan na wala rin silang alam sa tunay na mangyayari sapagkat hindi naman sila eksperto sa ganitong larangan.

            Maging bukas sana sila sa kanilang mga tunay na nakikita at hindi nila ito ililihim sapagkat hindi naman sila ang magsasakripisyo, iiyak at mawawalan ng mga ari-arian, kung hindi ang mga taong naninirahan sa lugar, na nag-iisip na walang mangyayari sa kanilang masama. Ang nangyaring trahedya sa Naga ay maging paraan na rin upang mapukaw ang ating mga puso’t isipan na ang pagmimina ay hindi sa lahat ng oras ay nakapagbibigay ng ligaya at dapat bigyan ng agarang aksyon ang mga posibleng mangyari ikakasama sa mga tao.

Comments